Nakatakdang dumating ngayong araw ang nasa 45 Overseas Filipino Workers (OFWs) na naipit sa gulo sa Lebanon.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), alas-4 ng hapon inaasahang lalapag ang Kuwait Airways flight KAC417 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.
Maliban sa mga OFW, kasama rin sa naturang flight ang dalawang bata na kabilang sa voluntary repatriation ng pamahalaan.
Una rito, nabigyan ang mga naturang OFW ng pansamantalang matutuluyan, tulong pinansyal at legal sa pangnguna ni Migrant Workers Office Labor Attaché Alejandro Padaen.
Bukod pa ito sa matatanggap nilang tulong mula sa DMW, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Technical Educations Skills Development Authority (TESDA).
Magugunitang ipinag-utos mismo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paglikas ng mga Pilipino na naipit sa gulo sa Lebanon.
Sa Linggo naman, ika-20 ng Oktubre, inaasahang darating din ang panibagong batch ng mga Pilipino na uuwi rin sa bansa. | ulat ni Jaymark Dagala