Nangunguna sa survey ang hiling ng mga Pilipino sa mga tumatakbong kandidato sa darating na halalan: mapalakas ang job creation, livelihood generation, at financial literacy, bagay na isinusulong ng Trabaho Party-list bilang pangunahing plataporma nito.
Batay sa kinomisyong survey ng StratBase Group sa Pulse Asia noong Setyembre, mayorya ng mga Pilipino o 57% ng taumbayan ang naniniwala na ang paglikha ng trabaho at hanapbuhay ay ang pinakamahalagang isyu na dapat isama ng mga kandidato sa kanilang plataporma para sa darating na halalan.
Pumangalawa sa naturang survey ang investment-led economic growth na pinili ng 44% ng survey respondents, kasunod ng pagpuksa sa korapsyon na may 41% na bilang.
Ayon kay Atty. Mitchell-David Espiritu, tagapagsalita ng Trabaho Partylist, lahat ito ay kabilang sa isinusulong na plataporma ng Trabaho Partylist upang mapalago ‘di lang ang trabaho at ekonomiya, pati na rin ang antas ng pamumuhay ng mga manggagawang Pilipino.
Nauna nang inihayag ng Trabaho Partylist na masusi nitong tututukan ang mga solusyon sa itinatawag na “most urgent national concerns” ng taumbayan tulad ng pagkontrol ng inflation at pagdagdag ng trabaho.
Naniniwala rin ang grupo na mahalaga ang pagkakaroon ng representasyon ng Trabaho Partylist sa Kongreso upang maisabatas ang mga mahahalagang benepisyo para sa mga manggagawang Pilipino.
Ayon kay Atty. Espiritu, hindi sapat na umasa lamang sa wage increase upang tugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng mga pamilyang Pilipino. Dapat din aniya isama ang mga non-wage benefits na magpapabuti sa pamumuhay ng bawat manggagawa. | ulat ni Lorenz Tanjoco