Nilinaw ni Senate Committee on Ways and Means Chairperson, Senador Sherwin Gatchalian na hindi bagong buwis ang pagsasabatas ng pagpapataw ng 12 percent value-added tax (VAT) sa digital services (RA 112023).
Paliwanag ni Gatchalian, kokolektahin lang dito ang buwis na dapat talagang nakukuha mula sa mga dayuhang digital service providers.
Pinunto ng senador na sa ilalim ng tax code ng bansa ay minamandato na ang pagpapataw ng VAT sa mga serbisyong isinasagawa sa Pilipinas.
kaya naman nararapat lang aniyang lahat ng digital providers ay dapat patawan ng VAT, dayuhan man o residente ng Pilipinas.
Sinabi ni Gatchalian na makakatulong ang bagong batas na ito sa pagpantay sa kompetisyon sa pagitan ng mga foreign at domestic digital service providers sa gitna na rin ng tumataas na demand para dito.
Batay sa datos ng Department of Finance, ang pagpapatupad ng koleksyon ng VAT sa mga digital service provider ay may potensyal na makalikom ng karagdagang P83.8 bilyon mula 2024 hanggang 2028. | ulat ni Nimfa Asuncion