Inaasahan ni Senate Committee on Economic Affairs Chairman Senador Juan Miguel Zubiri na sa tulong ng bagong batas na Corporate Recovery and Tax Incentives to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy (CREATE MORE) ay mababawasan ang red tape na aniya’y nakakasagabal sa paglago ng business sector sa Pilipinas.
Ayon kay Zubiri, isinulong nila ang panukalang ito para maisaayos at gawing mas simple ang proseso ng VAT refunds, na isa sa mga pangunahing isyu ng mga negosyante sa pamumuhunan sa bansa.
Kapag kasi hindi ito naagapan ay maaaring lumipat sa ibang mga kalapit nating bansa sa Southeast Asia ang mga mamumuhunan. Pinahayag naman ni Senate Committee on Ways and Means Chairman Senador Sherwin Gatchalian na ang mas maraming insentibo sa ilalim ng CREATE MORE ay inaasahang magpapalakas sa competitiveness ng bansa sa pag-akit ng mga dayuhang mamumuhunan.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na ang CREATE MORE ay naglalayong magbigay ng kalinawan sa aplikasyon ng VAT zero-rating sa mga local purchases at VAT exemption sa pag-import ng mga produkto at serbisyo.
Sa pamamagitan aniya ng CREATE MORE, ang mga proyekto at aktibidad na may malaking pakinabang sa ating bansa — tulad ng mga food security-related activities, green ecosystems, health-related activities, at defense-related activities — ay mabibigyan ng suporta at insentibo.
Giniit ng senador na kapag ang mga sektor na ito ay umunlad ay tiyak na magbubunga ito ng mga positibong pagbabago sa ating mga komunidad… mula sa pagbaba ng presyo ng mga produkto hanggang sa paglikha ng mas maraming trabaho para sa ating mga kababayan.| ulat ni Nimfa Asuncion