Paiigtingin pa ng Department of Energy (DOE) ang pag-monitor nito sa bagong 3% coconut methyl ester (CME) blend sa diesel fuel upang masiguro ang pagsunod ng mga kompanya sa itinakdang pamantayan.
Ayon sa Oil Industry Management Bureau ng DOE, sa pangunguna ni Undersecretary Alessandro Sales, magsasagawa sila ng mga inspeksyon sa bulk depots sa buong bansa. Aniya, mahalaga ang agarang aksyon sa depot level upang matiyak ang maayos na distribusyon ng biodiesel. Nagbabala rin ang DOE na may multang aabot sa P300,000 at posibleng pagkakakansela ng accreditation ang haharapin ng mga hindi susunod sa nasabing kautusan.
Binigyang-diin din ng DOE ang mga benepisyo sa kapaligiran at kalusugan ng mas mataas na CME blend, na inaasahang makababawas ng hanggang sa 298 kilotons ng carbon emissions kada taon. Makikinabang din ang ekonomiya sa mas mataas na demand sa coconut industry, kabilang na ang karagadagang trabaho sa mga komunidad sa kanayunan.
Sa bahagi naman ng mga konsumer, inaasahang mas makatitipid sa gasolina ang mga motorista dahil sa mas mataas na fuel efficiency ng bagong blend.
Nakatakda namang unti-unting itaas ang nasabing biofuel blend mula 3% ngayong taon hanggang sa 5% pagsapit ng Oktubre 2026. | ulat ni EJ Lazaro