Patuloy ang paghahatid ng tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga apektado ng Bagyong Marce.
Ayon kay DSWD Spokesperson Asst. Secretary Irene Dumlao, ang kanilang pasilidad sa San Simon, Pampanga ay nagpadala ng 10,000 hanggang 15,000 kahon ng family food packs (FFPs) kada araw patungong Ilocos Region at iba pang mga lokal na pamahalaan na apektado ng bagyo.
Ito’y alinsunod sa utos ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na palakasin ang operasyon ng mga DSWD hub sa Central Luzon, upang mapabilis ang paghahatid ng tulong sa Northern Luzon.
Sinabi naman ni DSWD Undersecretary Diana Cajipe na patuloy ang repacking ng National Resource Operations Center (NROC) sa Pasay ng 20,000 hanggang 25,000 food packs kada araw, upang mapunan ang pangangailangan sa mga nasalantang lugar dahil sa magkakasunod na bagyo.
Sa kasalukuyan, nakapagpadala na rin ang DSWD Field Office 2 sa mga bayan ng Camalaniugan sa Lal-Lo, at Aparri sa Cagayan ng family food packs at relief kits.
Tiniyak ng DSWD na patuloy ang kanilang pagtutok, katuwang ang iba pang ahensya, sa mabilis na pagbibigay ng tulong sa mga komunidad na nasalanta ng bagyo. | ulat ni Diane Lear