Isinasagawa ngayong araw, Nobyembre 16, 2024, ng Commission on Elections (COMELEC) ang field testing para sa transmission ng mga boto mula sa Automated Counting Machines (ACMs) na gagamitin para sa paparating na 2025 National, Local, at BARMM Parliamentary Elections.
Isa sa mga pangunahing lugar kung saan isinagawa ang test ay sa may Tipas Elementary School sa Taguig City, habang ginanap ng COMELEC ang canvassing sa Taguig Convention Center, New City Hall Building. Minonitor naman ang kabuuang proseso mula sa Field Testing Monitoring Center sa Chairman’s Hall ng COMELEC sa Palacio del Gobernador sa Intramuros, Maynila.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, sa ngayon ay matagumpay ang kanilang pagsasagawa ng testing sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Kabilang dito ang pagkain ng balota sa makina at ang maayos na transmission ng mga boto.
Tinatayang nasa 28 canvassing centers ang sinubukang mag-transmit ngayong araw, kabilang ang mga lugar na sinasabing mahina o medyo alanganin ang signal. Katuwang ng COMELEC sa testing ang mga telco at Starlink upang tiyakin ang maayos na transmisyon gayundin ang ilang representante mula sa MIRU.
Kasama rin sa testing ang limang canvassing centers mula sa overseas, tulad ng Japan at Italy.
Maliban kay Chairman Garcia, kasama rin sa testing ang iba pang senior officials ng ahensya. Naroon din bilang tagamasid ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL), Legal Network for Truthful Elections (LENTE), at PARTICIPATE PH.
Ang nasabing aktibidad ay bahagi ng paghahanda ng COMELEC upang tiyakin ang integridad ng halalan sa 2025 kabilang ang isasagawang mock elections sa Disyembre at ilan pang testing. | ulat ni EJ Lazaro