Nanindigan si House Blue Ribbon Committee Chair Joel Chua na nabigyan ng abiso ang lahat ng resource person ukol sa pagdinig ng Komite, kasama na ang Office of the Vice President, na kanselado ang hearing ngayong araw.
Ayon kasi sa legal counsel ni Vice President Sara Duterte, late na nalaman ng bise ang kanselasyon ng hearing ng Kongreso kaya hindi siya nakaharap sa NBI.
Pero ayon kay Chua, batay sa records ng Committee Secretariat, 4:48PM nitong Huwebes ay napadalhan na ang lahat ng invitees ng abiso, kasama ang OVP na ipagpapaliban ang pagdinig ng komite ngayong araw.
Lahat naman din aniya ng pinadalhan ng e-mail ay nagkumpirma na natanggap ang abiso.
“As of 4:48pm on November 28, 2024 (Thursday), Notices of Postponement were already sent out to the OVP and other invitees. It was successfully delivered as proved by a delivery receipt email sent back to the Official Committee Secretariat email. Those delivery receipt emails were received at 4:48pm as well, according to the committee secretariat.” sagot ni Chua.
Nagdesisyon ang komite na huwag nang ituloy ang dapat sana’y ika-walong pagdinig para bigyang pagkakataon si VP Duterte na tumugon sa pagpapatawag ng NBI.
Iniimbestigahan ng Komite ang isyu sa maling pamamahala ng confidential funds ng OVP at DEPED noong si VP Duterte pa ang kalihim nito. | ulat ni Kathleen Forbes