Binalaan ngayon ni House Committee on Information and Communication Technology Chair Toby Tiangco ang publiko na maging mapagbantay sa tumataas na bilang ng text scams na nambibiktima ng e-wallet users.
Aniya, pinalalabas ng mga scammer na lehitimong e-wallet advisories ang kanilang text scams.
“Marami po sa ating mga kababayan ang nabiktima na ng mga text scams na nagpapanggap na mula sa mga e-wallets. Maging mapagmatyag po tayo sa modus na ito at huwag mag-click ng links mula sa text messages,” paalala ni Tiangco.
Nanawagan din ang Navotas solon sa Department of Information and Technology (DICT) na paigtingin ang laban kontra scammers lalo na’t papalapit ang holiday season.
Giit niya hindi sapat na mino-monitor lang ang sitwasyon bagkus ay tuntunin din ang masasamang loob sa lalong madaling panahon bago pa dumami ang kanilang mga biktima.
“Alam naman natin na habang papalapit ang kapaskuhan, lalong nagiging masipag ang mga scammers,” saad niya.
Ayon sa DICT, gumagamit ang scammers ng International Mobile Subscriber Identity (IMSI) catcher, isang device na nagsusubaybay, humaharap, at gumagaya sa mga lehitimong mobile communications.
“After the Marcos administration’s ban on POGO, scammers have intensified their tactics to target unsuspecting Filipinos. Let us remain vigilant. Report cybercrime incidents to the Inter-Agency Response Center (IARC) Hotline 1326,” ani Tiangco | ulat ni Kathleen Forbes