Dismayado ang dalawa sa lider ng Kamara dahil sa anila’y pangako ng nakaraang administrasyon na napako.
Partikular dito ang pagbibigay ng tulong sa mga pulis na mahaharap sa kaso kaugnay sa pagpapatupad ng war on drugs ng dating administrasyon.
Kasunod na rin ito ng panawagan ni PNP Chief Rommel Marbil na masuportahan ang mga pulis na ginampanan ang kanilang tungkulin partikular na ang paglaban sa iligal na droga
Hanggang ngayon kasi, may mga pulis aniya na solong hinaharap ang mga kasong isinampa laban sa kanila sa kabila ng pangako ng nakalipas na administrasyon.
Ayon kay Deputy Majority Leader Jude Acidre, laging sinasabi ng dating Pangulong Rodrigo Duterte na siya ang bahala sa mga kapulisan, ngunit sa huli, sila rin naman ang nakakawawa.
Tinukoy naman ni Public Order and Safety Chair Dan Fernandez ang paulit-ulit na pangako ng dating pangulo na magbibigay ng abugado, ngunit hindi rin natupad.
Paghimok naman ng dalawang mambabatas na i-tap ang PNP legal service para matulungan ang mga pulis na nahaharap ngayon sa kaso dahil lang sa pagsunod sa atas at hindi dahil sa may kapalit na reward.
Batay sa datos mula July 2016 hanggang June 2022, mahigit 1,200 opisyal ng PNP ang apektado sa kampaniya kontra iligal na droga
214 na nahaharap sa kasong kriminal habang sa nakalipas na 6 na taon, 195 na ang natanggal sa serbisyo habang mayroong 20 na nakulong. | ulat ni Kathleen Forbes