Pormal na naghain ang MAKABAYAN bloc sa Kamara ng resolusyon para ipasiyasat ang nangyaring unauthorized transactions sa GCash na nagdulot ng pagkawala ng pera ng marami sa mga GCash users.
Sa House Resolution 2068, pinakikilos ang House Committees on Banks and Financial Intermediaries at Information and Communications Technology, na magkasa ng investigation in aid of legislation.
Isa sa mga naging biktima ang komedyante na si Pokwang na nawalan ng P85,000 sa kaniyang GCash account matapos na pasukin ng 30 unregistered numbers ang kaniyang account.
May ilan ding mga users ang nagsabi na nawalan sila ng P4,000 kahit pa wala silang natanggap na OTP o one-time password para sa naturang transfer.
Paliwanag ng GCash, nagkaroon ng error sa kanilang system reconciliation process at isolated lang sa iilang users.
Gayunman, hindi ito tinanggap ng mga mambabatas at sinabi na dapat mapanagot ang GCash dahil dito. | ulat ni Kathleen Forbes