Kinuwestiyon ng mga senador ang programang pabahay ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).
Partikular ang target ng DHSUD na makapagpatayo ng 3.2 million housing units sa pamamagitan ng medium at high rise buildings o condominium hanggang sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa taong 2028.
Giit ni Senadora Cynthia Villar, ang mandato ng DHSUD ay para matulungan ang mga mahihirap at walang tahanan na mga Pilipino.
Pero ang mga itinatayo nilang mga condo ay tila pang middle class naman.
Minungkaahi rin ni Villar na ipamahagi na lang sa mga mahihirap ang mga lupa para sila na mismo ang magpatayo ng sarili nilang mga tahanan.
Paliwanag naman ni Senadora Risa Hontiveros, na siyang tumatayong sponsor ng panukalang budget ng DHSUD, base sa proposal ng ahensya ay nasa P2,600 lang ang pwedeng bayaran kada buwan para sa condo unit na itatayo ng DHSUD.
Maaari pa aniya itong bumaba ng hanggang P1,500 dahil sa mga subsidiya mula sa pamahalaan.
Dinagdag rin ni Hontiveros na bukod sa DHSUD ay may pinopondohan pa ang gobyerno na ibang mga housing projetcs para sa mga mahihirap kabilang na ang mga programa sa ilalim ng National Housing Auhtority (NHA).
Sa ngayon ay hindi pa lusot sa plenaryo ng senado ang panukalang pondo ng DHSUD dahil marami pa aniyang nais itanong si Senadora Villar sa kanila.
Babalik silang muli sa Senate plenary sa November 18.| ulat ni Nimfa Asuncion