Pinahayag ng Department of Agrarian Reform (DAR) na makakaya nilang matapos sa loob ng tatlong taon ang pamimigay ng mga lupang agraryo sa mga magsasaka.
Sa plenary budget deliberations para sa panukalang 2025 budget ng DAR, binahagi ng ahensya sa pamamagitan ng budget sponsor nilang si Sen. Cynthia Villar na nasa 161,815 na ektarya ng lupain na ang nakatakda nilang ipamahagi.
Isang ektarya kada benepisyaryo ang target ng ahensya kaya nasa 161,000 rin na mga magsasaka ang makikinabang dito.
Ayon kay Villar, ngayong taon ay nasa 61,000 na ektarya ng lupa na ang naipamahagi nila.
At kung magtutuloy tuloy aniya ang ganitong distribution rate ay makakaya nilang maipamigay ang higit 161,000 hectares sa mga benepisyaryo hanggang sa pagtatapos ng Marcos administration sa 2028.
Sa ngayon ay nag-uusap na rin ang DAR at ang department of budget and management (DBM) para maibigay agad ang kompensasyon sa mga nagmamay-ari ng lupa.
Ito ay bilang tugon na rin sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na maging patas kapwa sa mga magsasaka at sa mga landowners. | ulat ni Nimfa Asuncion