Naka-alerto na ang pwersa ng Philippine National Police (PNP) dahil sa inaasahang epekto ng bagyong Nika at dalawa pang binabantayang sama ng panahon.
Ayon kay PNP Spokesperson PBGen Jean Fajardo, tumulong na rin ang mga pulis sa isinasagawang preemptive evacuation sa Region 2 na inaasahang maapektuhan ng bagyong Nika. Bukod pa rito ay activated na rin ang Reactionary Standby Support Force ng PNP bilang paghahanda sa bagyo at upang makapagbigay ng kinakailangan tulong sa disaster response sa mga apektadong komunidad.
Ani Fajardo, nakatutok ang PNP sa Region 2 dahil sa magkakasunod ang bagyo na tumama sa naturang lugar. Kabilang naman aniya sa direktiba ni PNP Chief PGen Rommel Francisco Marbil na matiyak na sapat ang kanilang deployment. Dagdag pa ni Fajardo, naka-deploy na rin ang mga kagamitan ng PNP.
Matatandaang nagbigay na rin ng direktiba si Interior Secretary Jonvic Remulla sa 2,500 barangay na direktang tatamaan ng bagyo na magsagawa ng preemptive evacuation. | ulat ni Diane Lear