Nagbigay ng katiyakan si Senate Committee on Finance Chairperson Senador Grace Poe na mabibigyan ng sapat na panahon ang mga mambabatas para basahin at rebyuhin ang magiging pinal na bersyon ng 2025 General Appropriations Bill (GAB).
Ito ang naging tugon ni Poe sa mosyon ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa pagbubukas ng Bicam meeting para sa Budget Bill.
Ayon kay Dela Rosa, bago dapat nila pirmahan ang Bicam version ay dapat mapag-aralan itong mabuti ng bawat mambabatas.
Sinabi naman ni Poe na may ganitong commitment na siya at si Senate President Chiz Escudero.
Sa pagbubukas ng Bicam meeting para sa 2025 Budget Bill, nagpaalala si Poe sa mga Bicam members na anuman ang hindi nila mapagkasunduan ay dapat alalahanin nila ang kanilang common purpose ay para paglingkuran ang taumbayan.
Kailangan aniya nilang tiyakin na ang ipapasa nilang budget ay magiging sapat para matugunan ang mga tunay na pangangailangan ng ating bansa.
Nanawagan rin si Poe sa mga kapwa niya mambabatas na kapag masyado nang mainit ang diskusyon sa Bicam ay mag-break muna sila saka pag-usapan ng mabuti ang kanilang pagkakaiba. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion