Nagpahayag ng pangamba ang ilang mga senador sa hindi paglalaan ng government subsidy para sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa susunod na taon.
Una nang binahagi ni Senate Committee on Finance chairperson Senadora Grace Poe na inalis nila ang P74 billion na subsidiya para sa PhilHealth.
Giniit ni Poe na dapat munang gamitin ng state health insurer ang nasa P600 billion reserve fund nila.
Pero binigyang-diin ni Senadora Risa Hontiveros na maaaring unconstitutional ang ginawa ng Bicam dahil ang reserve funds ng ahensya ay hindi pwedeng gamitin para sa premium payment ng mga indirect contributors ng PhiHealth.
Kahit pa aniya may sobrang pondo ang PhilHealth ay may mga batas pa ring nagsasabing kailangan itong pondohan ng gobyerno.
Nag-aalala rin si Senador JV Ejercito sa legalidad ng pag-alis ng government subsidy para sa PhilHealth.
Paliwanag ni Ejercito, nakalaan na para sa mga indirect contribution ng mga PWD, senior citizens at indigents ang sin taxes na nakokolekta ng gobyerno, alinsunod na rin sa itinatakda ng universal health care (UHC) law.| ulat ni Nimfa Asuncion