Kulang na ang panahon ng Kongreso para sa isinusulong ng ilan na impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang paniniwala ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada kahit pa una nang nanawagan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na huwag nang ituloy ang impeachment sa bise presidente.
Paliwanag ni Estrada, hanggang December 20 na lang ang sesyon ng Senado at Kamara dahil magkakaroon sila ng Christmas break.
Sa January 13, 2025 pa nakatakdang bumalik ang sesyon ng Kongreso at magtatagal lang ang kanilang sesyon hanggang February 7 dahil bibigyang daan ang 2025 midterm elections.
Iginiit ng senador na kapag may impeachment complaint ay obligasyon ng Kongreso na umaksyon.
Batay sa proseso na nakasaad sa konstitusyon, kapag na-impeach ng Kamara ang isang opisyal, iaakyat ito sa Senado na magiging impeachment court at ang mga senador ang magiging tagapaglitis at hukom.
Umaasa naman si Estrada na hindi na hahantong dito ang sitwasyon dahil lalo lang aniya nitong paiigtingin ang pagkakahati-hati ng publiko.
Pinunto rin ng senador ang nauna nang panawagan ni Pangulong Marcos na huwag nang ituloy ang impeachment para hindi magambala ang Kongreso sa kanilang mga gawain.| ulat ni Nimfa Asuncion