Ipapatupad ng LRT-1 ang isang special train service schedule ngayong ngayong holiday season, sang-ayon sa private operator nitong Light Rail Manila Corporation (LRMC).
Ayon sa LRMC, Para matugunan ang inaasahang pagtaas ng bilang ng mga pasahero, palalawigin nito ang operasyon ng LRT-1 sa mga piling araw. Sa Disyembre 20 at 23, ang huling tren mula Dr. Santos Station ay aalis ng 10:30 ng gabi, habang ang mula sa Fernando Poe Jr. Station ay aalis ng 10:45 ng gabi. Sa Disyembre 21 at 22 naman, ang last train mula Dr. Santos ay lalarga ng 10:00 ng gabi, at mula Fernando Poe Jr. ay sa pagsapit naman ng 10:15 ng gabi.
Sa Disyembre 24 (Christmas Eve), magsisimula ang biyahe ng alas-5 ng umaga mula sa parehong dulo ng linya. Ang huling tren ay aalis ng 8:00 ng gabi mula Dr. Santos, at 8:15 PM mula Fernando Poe Jr.
Samantala, sa Disyembre 31 (New Year’s Eve), ang unang tren ay aalis din ng alas-5 ng umaga, habang ang huling tren mula Dr. Santos ay aalis 7:00 ng gabi, at mula Fernando Poe Jr. ng 7:15 PM.
Pinaalalahanan ng LRMC ang mga pasahero na planuhin ang kanilang biyahe at gumamit ng stored value cards para sa mas mabilis na pagpasok sa istasyon. Mananatili namang operational ang LRT-1 sa Disyembre 25 at Enero 1 gamit ang regular weekend/holiday schedule nito.
Ayon kay LRMC President at CEO Enrico R. Benipayo, layon nilang gawing mas maginhawa ang biyahe ng mga pasahero ngayong Kapaskuhan, lalo na sa pagbubukas kamakailan ng Cavite Extension Phase 1.| ulat ni EJ Lazaro
