Pinapanukala sa ilalim ng Anti POGO Bill ang pagkumpiska at pagtakeover ng gobyerno sa mga gusali, pasilidad, gamit, at iba pang assets ng mga nadiskubreng ilegal na POGO sa Pilipinas.
Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, bahagi ng naipsonsor na niyang Senate Bill 2868 ang pagforfeit ng gobyerno sa mga assets ng mga ilegal na POGO.
Nasa desisyon na rin aniya ng gobyerno kung ano gagawin sa nakumpiskang assets at kung paano ito mapakikinabangan.
Nakasaad rin sa panukala na ang lahat ng mga makukuhang gaming equipment, at paraphernalia sa mga ilegal na POGO ay dapat sirain ng mga otoridad.
Sa ngayon may mga gusali na ng mga na-raid na ilegal na POGO ang ginagamit bilang detention facility para sa mga foreign nationals na nahuli sa mga illegal POGO.
Una na ring minungkahi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na gawing opisina ng gobyerno, eskwelahan, o evacuation centers ang mga dating POGO facilities. | ulat ni Nimfa Asuncion