Malaki ang pasasalamat ni KABAYAN Party-list Representative Ron Salo kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa matagumpay na pag-facilitate ng pag-uwi ni Mary Jane Veloso.
Giit ng mambabatas, ang pagbabalik bansa ni Veloso ay patunay sa dedikasyon ng Presidente sa kapakanan ng mga Filipino migrant worker na ginawa itong prayoridad.
“President Marcos has demonstrated remarkable leadership and compassion by ensuring Mary Jane’s safe return. This decisive action reflects his commitment to addressing the hardships endured by our migrant workers,” ani Salo.
Nagpasalamat din si Salo sa DFA, sa pangunguna ni Secretary Enrique Manalo, at ang Philippine Embassy sa Indonesia sa kanilang ginampanang papel para maisakatuparan ang pag-uwi ng ating kababayan, gayundin ang civil society groups at media na isinulong ang isyu ni Veloso para makakuha siya ng legal at diplomatic support.
“The unwavering efforts of civil society and the media were crucial in maintaining focus on Mary Jane’s case, showcasing how collaborative efforts can achieve meaningful outcomes for our people,” diin ni Salo.
Sabi pa ng mambabatas, na ang pagbabalik bansa ni Veloso ay isang makapangyarihang halimbawa na ang pagtutulungan ng pamahalaan at non-governmental organizations ay may positibong resulta sa lahat ng bawat Pilipino sa buong mundo.
Ipinaabot din ni Salo ang pasasalamat sa Indonesian Government, na pinagbigyan ang hiling ng Philippine Government na nagpapakita ng malalim na ugnayang diplomatiko, at respeto sa pagitan ng dalawang bansa.
Bukas, December 18, ang nakatakdang pag-uwi ni Veloso matapos ang higit 10 taong pagkakakulong sa Indonesia. | ulat ni Kathleen Forbes