Patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard District Bicol sa mga pantalan ng Rehiyon ng Bicol upang mapanatili ang kaayusan at masigurado ang kaligtasan ng mga pasahero ngayong Pasko 2024.
Ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), mula 6:00 AM hanggang 12:00 PM ngayong Biyernes, 20 Disyembre 2024, umabot sa mahigit 3,500 na pasahero ang dumaan sa mga pantalan ng Bicol.
Sa kabuuan, 315 na tauhan ng PCG ang na-deploy upang magpatuloy ang monitoring sa mga pantalan at mga barko, at 31 na mga barko ang na-inspeksyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga biyahe.
Naitala rin ang 383 rolling cargo na outbound at 128 rolling cargo na inbound. Sa mga pasahero, 2,044 ang outbound, habang 1,465 naman ang inbound.
Patuloy ang koordinasyon ng PCG at mga ahensya ng gobyerno upang masiguro ang kaligtasan ng mga biyahero at maayos na daloy ng mga biyahe sa panahon ng Kapaskuhan.
Mahalaga ang mga hakbang na ito upang maiwasan ang mga aksidente at matugunan ang pangangailangan ng mga pasahero. Ang pagbabantay at inspeksyon sa mga pantalan ay bahagi ng kanilang pinaigting na paghahanda para sa mga darating na holiday trips. | ulat ni Emmanuel Bongcodin
📷 Coast Guard District Bicol