Tiniyak ni Finance Secretary Ralph Recto ang pagsisikap ng gobyerno na gawing mas abot kaya ang bilihin ngayong kapaskuhan at maihatid ang tulong sa mga naging biktima ng bagyo kamakailan.
Ayon kay Recto, ang November inflation outturn ay indikasyon ng epektibong interventions ng Marcos Jr. administration upang tugunan ang supply ng mga pangunahing bilihin partikular ang bigas.
Ginawa ni Recto ang pahayag kasunod ng naitalang 2.5% inflation rate, para sa buwan ng Nobyembre na anya ay pasok sa target range ng economic managers.
Diin ng kalihim, nasa tamang landas ang gobyerno upang mapanatili ang inflation sa target, sa gitna ng mga hamon tulad ng mga kalamidad.
Sa ngayon anya, patuloy ang pagbaba ng rice inflation mula 9.6% noong Oktubre sa 5.1% nitong Nobyembre, dala na rin ng epekto ng Executive Order ni Pangulong Marcos Jr. na tapyasan ang taripa ng imported na bigas.
Inaasahan din ang patuloy na pagbaba ng presyo ng bigas ngayong Disyembre dahil sa mas murang presyo nito sa pandaigdigang merkado. | ulat ni Melany Reyes