Pasado na sa ikalawang pagbasa ang panukalang postponement ng kauna-unahang halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) o ang Senate Bill 2942.
Ayon kay Senate President Chiz Escudero, nasertipikahan na itong urgent bill ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., at inaasahang maipapasa ito ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa sa susunod na linggo.
Matapos ang period of amendments, pumayag ang Senate Committee on Local Government na gawing limang buwan ang postponement ng BARMM elections, sa halip na tatlong buwan na nakasaad sa orihinal na bersyon ng panukala.
Paliwanag ni Escudero, ang pagpapaliban ng halalan ay pangunahing isinulong upang bigyang-diin ang seguridad. Bukod dito, layon din ng panukala na bigyan ng sapat na panahon ang Bangsamoro Transition Authority (BTA) na magpasya kung ire-reallocate nila ang pitong bakanteng upuan matapos magdesisyon ang Korte Suprema na alisin sa BARMM ang Sulu. | ulat ni Nimfa Asuncion