Buong pagmamalaking inamin ni ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo na minsan siyang naging TNT o naging undocumented alien sa Amerika.
Ito aniya ay dahil sa kinailangan niyang kumita para sustentuhan ang kaniyang pamilya.
Ang pag-amin na ito ni Tulfo ay tugon sa mga alegasyon na pineke niya ang kaniyang pagkatao para mapanatili ang US citizenship sa loob ng 20 taon.
Sa kaniyang programang Punto Asintado re-load, ikinuwento ni Tulfo na para masustentohan ang kaniyang anak ay nagtungo siya sa US para magtrabaho.
“And I am proud to say na, yes, nag-TNT po ako, gumawa po ako ng diskarte para mabuhay ko po yung mga anak ko. Eh, hindi lang po ako. There are millions of Filipinos in the US [that], they started like that.” paluhang inilahad ni Tulfo.
Pinasok aniya niya ang tagatulak ng mga cart sa isang grocery store, kasabay ng pagiging dishwasher sa isang kainan.
Bukod dito, nag-caregiver din aniya siya at naging janitor sa isang casino.
Aniya, hindi niya ipinangalandakan na siya ay nag-TNT, ngunit hindi rin naman aniya niya ito kinakahiya.
Aniya wala naman masama sa pagiging TNT, lalo at wala naman aniya siyang ini-scam o niloko na tao, at naghanapbuhay lang para sa kaniyang pamilya.
Banat pa niya sa mga vloggers na tumitira sa kaniya, ginagamit nila ang pagpapakalat ng fake news para tumaas ang engagement at kumita ng malaking pera.
Naniniwala si Tulfo na ang mga paninira sa kaniya ay dahil sa nangunguna siya sa senatorial race survey.
“Kung ang isang dating TNT, kung ang isang dating may trabaho na walang papel sa abroad, ay pag umuwi na po dito, wala na pong integridad? Hindi na po pwedeng magsilbi sa bayan? Bawal na ba yun?” Ani Tulfo. | ulat ni Kathleen Forbes