Kasabay ng pag-obserba ng national zero waste month ngayong Enero, umapela si Senadora Loren Legarda sa mga Pilipino na gumamit ng mga recyclable materials at maging responsable sa pagtatapon ng basura.
Ang paggunita ng national zero waste month ay alinsunod sa Proclamation No. 760 series of 2014 kung saan hinihikayat ang lahat ng ahensya at opisina ng gobyerno na makiisa sa mga aktibidad na may kaugnayan sa selebrasyon na ito.
Ipinunto ni Legarda na laging nababansagan ang Pilipinas bilang isa sa mga pinakamalaking ocean polluters sa buong mundo dahil sa malawakang paggamit ng single-use plastics sa ating bansa.
Kaya naman panahon na aniyang basagin ang gawaing ito at simulan na nang gamitin ang pagiging malikhain ng mga pilipino para makapagdevelop ng mga reusable alternatives.
Umaasa ang senadora na pangungunahan ng pamahalaan ang pagbibigay ng mga makabagong paraan para sa magamit muli ang mga pang araw-araw na produkto at mabawasan ang basura sa bansa.
Isinusulong rin ni Legarda ang mahigpit na pagpapatupad ng Republic Act 9003 o ang ecological solid waste management act.
Ito ang batas na nagbabawal ng pagsusunog ng basura at nagtatakda ng environment-friendly na mga paraan ng pagtatapon ng basura, kabilang ang pagse-segregate. | ulat ni Nimfa Asuncion