Pinahayag ni Senate President Chiz Escudero na pagkatapos pa ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Hulyo 21 ay masisimulan ng Senado ang aktwal na impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ibig sabihin nito, ang mga senador ng 20th Congress na ang magsasagawa ng paglilitis sa impeachment complaint laban kay VP Sara.
Nilinaw ni Escudero na ang proseso ng impeachment ay nagsisimula na ngayon.
Sa pagbabalik-sesyon ng kasalukuyang Kongreso sa Hunyo 2, may mga kailangan pa silang gawin bago ang mismong impeachment trial, at una na rito ang pag-apruba ng magiging rules of impeachment.
Pinaliwanag rin ng Senate President na aaprubahan ng Senado ang rules, hindi bilang impeachment court, kundi bilang isang legislative body.
Dinagdag rin ni Escudero na sakaling mag-convene na sila bilang impeachment court, ay wala pa rin agad silang gagawin dahil may mga pagdadaanan pang proseso.
Kabilang na rito ang pagpapadala ng mga summon sa nasasakdal, at para dito ay bibigyan siya ng sampung araw para sagutin ang mga alegasyon—depende pa kung hihingi sila ng extension.
Pagkatapos nito, sampung araw rin ang ibibigay para sa prosekusyon mula sa Kamara upang sumagot, at maaari rin silang humingi ng palugit.
Mula rito ay magkakaroon ng pre-trial gaya ng ginagawa sa mga korte.
Base sa mga prosesong nabanggit, aabutin na ito ng katapusan ng 19th Congress sa Hunyo 30, kaya naman sa Hulyo pa talaga masisimulan ang aktwal na paglilitis.
Ayon kay Escudero, kapag nasimulan na ang paglilitis, ay gagawing apat na beses sa isang linggo ang impeachment trial at posible itong matapos sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan. | ulat ni Nimfa Asuncion