Inilatag ng Department of Education (DepEd) ang kanilang mga istratehiya upang maipagpagtuloy ang mga natigil na programa na pinopondohan ng United States Agency for International Development (USAID).
Ito ay matapos na iutos ni President Donald Trump ang 90-day review sa lahat ng tulong ng USAID.
Sa isang liham na ipinadala ni Education Secretary Sonny Angara kay U.S. Ambassador MaryKay Carlson, nagpasalamat ito sa lahat ng suporta ng USAID para mapabuti ang basic education sa Pilipinas. Ngunit binigyang diin ng kalihim ang seryosong epekto ng pagpapatigil ng pondo sa mga proyekto.
Kasama sa mga apektadong inisyatiba ang ABC+, ILO-Ph, at Gabay na may mahalagang tungkulin sa pagkamit ng 5-Point Reform Agenda ng DepEd.
Ayon kay Secretary Angara, magpapatupad ng mga istratehiya ang DepEd kabilang ang paghiling sa USAID nang maayos na turn-over sa mga proyekto upang mapakinabangan ang mga project resource materials, makahanap ng alternatibong funding source, at mapalakas ang kapasidad ng Curriculum and Teaching Strand.
Tiniyak naman ng DepEd na gagawin nila ang lahat ng paraan upang mapanatili ang mga apektadong programa at hindi maantala ang edukasyon ng ating mga mag-aaral. | ulat ni Diane Lear