Iniimbestigahan ngayon ng Department of Education (DepEd) ang alegasyong may ghost students sa Senior High School Voucher Program sa 12 pribadong paaralan sa siyam na division.
Ayon sa DepEd, kabilang sa kanilang tinitingnan ang posibleng pananagutan ng ilang tauhan at opisyal na sangkot sa umano’y anomalya. Posible rin umanong ipatigil o tanggalin ang akreditasyon ng mga paaralang mapapatunayang lumabag sa patakaran ng programa.
Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na mahalaga ang agarang aksyon upang mapanatili ang integridad ng pondo at ng programa. Dagdag niya, seryoso ang DepEd sa pagsisiyasat sa maling paggamit ng pondo ng bayan, kaya’t papanagutin sa batas ang mga mapapatunayang may kasalanan.
Kasama sa mga hakbang na inihahanda ng DepEd ang pagkolekta ng ebidensya laban sa mga sangkot at posibleng pagsasampa ng kasong administratibo at kriminal upang masigurong mapanagot ang mga responsable. | ulat ni Diane Lear