Sinagot ng mga kandidato sa pagka-senador ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ang pagkuwestyon ng ilan sa maaanghang na salitang binitiwan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kick off rally ng Alyansa sa Ilocos Norte.
Ito’y matapos ihayag ng Alyansa sa naunang pulong balitaan na hindi sila makikibahagi sa negative campaign.
Giit ni dating Senate President Tito Sotto, hindi naman kandidato ang pangulo.
Ang kanila aniyang sinasabi ay silang mga kandidato ang hindi makikibahagi sa paninira o pag-atake sa kapwa. Bukod dito, nagsasabi lang din naman aniya ng totoo ang presidente.
Sinegundahan ito ni senatorial candidate Erwin Tulfo. Aniya, napagusapan nila sa Alyansa na ibida ang kanilang mga nagawa at track record at natural lang din na banggitin ng pangulo ang posisyon ng bawat kandidato sa mga usapin gaya ng soberanya ng bansa.
Naniniwala din si dating DILG secretary Benhur Abalos na ang ginawa ng presidente sa kick off campaign ay ipakilala ang bawat isang kandidato batay sa kanilang performance, at kasama rito ang kanilang pagtindig laban sa China, extrajudicial killings, at operasyon ng POGO. | ulat ni Kathleen Forbes