Para kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, dapat hintayin na lang ang magiging aksyon ng Korte Suprema kaugnay ng inihaing petisyon para simulan na agad ng Senado ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Sinabi ng minority leader na ito lang ang tangi niyang masasabi kaugnay ng naturang petisyon.
Tumanggi na si Pimentel na magbigay ng dagdag na komento kaugnay ng inihaing petisyon sa SC.
Kung matatandaan, una nang ipinahayag ng senador na, base sa Konstitusyon, ay “forthwith” o dapat agad na magsagawa ng impeachment trial.
Masyado na aniyang mahaba ang tatlo hanggang limang buwan na hihintayin bago magsimula ang aktwal na paglilitis sa impeachment.
Una na kasing ipinahayag ni Senate President Chiz Escudero na pagkatapos pa ng State of the Nation Address ng Pangulo sa Hulyo masisimulan ang aktwal na impeachment trial. | ulat ni Nimfa Asuncion