Paiigtingin ng Pilipinas at Japan ang kooperasyon sa gitna ng tensyon sa West Philippine Sea.
Ito ay matapos ang telephone conversation nina National Security Adviser Eduardo Año at Japan National Security Adviser Okano Masataka ngayong araw na layong palakasin ang ugnayan ng dalawang bansa.
Sa kanilang pag-uusap, nagpaabot ng pagbati si Año kay Masataka sa kanyang bagong tungkulin.
Kabilang naman sa mga tinalakay ng dalawang opisyal ang mga hakbang para tugunan ang tensyon sa West Philippine Sea. Binigyang-diin nila ang kahalagahan ng malayang paglalayag at pagsunod sa international law.
Nagkasundo rin ang dalawang bansa na palakasin pa ang kanilang ugnayan sa larangan ng seguridad at ipagpatuloy ang trilateral framework of cooperation kasama ang Estados Unidos. | ulat ni Diane Lear