Arestado ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang suspek sa pagpatay sa isang barangay captain at kanyang asawa sa Cebu matapos ang halos isang taong manhunt operation.
Kinilala ni CIDG Director Police Major General Nicolas Torre III ang suspek na si alyas “Kapoy,” residente ng Barangay Tubod, Asturias, Cebu.
Si alyas “Kapoy” ang number 7 Most Wanted Person sa Region 7 at pangunahing suspek sa pagbaril at pagpatay kina Barangay Captain Mario Delfin Tundag ng Barangay Manguiao at kanyang asawang si Edna Awit Tundag noong Marso 14, 2023.
Sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong double murder, naaresto ang suspek sa Barangay Subang Daku, Mandaue City kahapon ng tanghali.
Ayon kay Torre, patuloy ang kanilang operasyon laban sa mga kriminal at wanted persons sa buong bansa bilang bahagi ng kanilang OPLAN PAGTUGIS. | ulat ni Diane Lear