Nasa 5,000 sundalong Pilipino at Amerikano ang inaasahang lalahok sa joint exercise Salaknib ng Pilipinas at Estados Unidos.
Ayon kay Philippine Army Spokesperson Col. Louie Dema-ala, isasagawa ang pinagsamang pagsasanay sa Northern at Central Luzon bilang paghahanda sa Balikatan Exercises, kung saan makikilahok na rin ang mga pwersa ng Philippine Navy at Philippine Airforce.
Magsisimula ang Salaknib sa Lunes, March 24, habang ang Balikatan naman ay nakatakdang ganapin sa susunod na buwan.
Ayon kay Dema-ala, nakatuon ang Salaknib sa mga territorial defense operations, sustainment, interoperability, at humanitarian civil assistance.
Gayunman, hindi pa makumpirma ni Dema-ala kung muling gagamitin sa pagsasanay ang Typhon MRC missile na kinukwestiyon ng China.
Matatandaang noong nakaraang taon, dinala ng U.S. Army sa Luzon ang MRC missile para sa Salaknib drills, subalit hindi na ito inalis sa bansa. | ulat ni Diane Lear