COMELEC, inilabas ang Dominant Majority at Dominant Minority Party para sa midterm elections.
Naglabas ng resolusyon ang Commission on Election kung saan ideneklarang dominant majority party ang LAKAS-CMD habang magsisilbing dominant minority party ang Nacionalista Party sa darating na halalan.
Sa ilalim ng panuntunan ng poll body, matatanggap agad ng dominant majority at dominant minority party ang resulta ng eleksiyon na ita-transmit nang direkta sa kanilang servers mula sa lahat ng presinto maging sa overseas voting.
Labing-isang partidong nasyonal ang nag-apply sa COMELEC para maging dominant majority party pero ang LAKAS-CMD ang nanaig dahil na rin sa ibang criteria gaya ng dami ng miyembro at mga kandidato.
Pumangalawa naman sa may pinakamaraming miyembro ng partido ang NP na idineklarang dominant minority party.
Ang dalawang partido ay nasa binuong alyansa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kasama ng Partido Federal ng Pilipinas na tinatawag ngayong Alyansa para sa Bagong Pilipinas.
Pinalitan ng LAKAS-CMD ang PDP-Laban na nagsilbing dominant party noong 2022 presidential elections. | ulat ni Don King Zarate