Itutulak ng administration senatorial bets sa ilalim ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ang tamang implementasyon ng Universal Health Care Act (UHCA) para matugunan ang kakulangan sa mga pampublikong ospital sa mga rural areas.
Sa pulong balitaan sa Laguna, binigyang-diin ni dating Senador Ping Lacson na mahalagang mabusisi ng Senado ang paglalagay ng pondo sa naturang batas.
“Implementation na lang ang kulang at ang magagawa ng ‘Alyansa’ siguro is in the exercise of oversight. Titingnan namin na o siguraduhin na ma-implement fully or properly,” sabi ni Lacson.
Dagdag pa niya na babantayan ng ‘Alyansa’ na mapaglaanan ng ito ng sapat na pondo para tamang maipatupad at titiyakin na ang coverage nito ay mararamdaman ng lahat ng Pilipino.
Ayon naman kay dating Senate President Tito Sotto, isa sa mga problema ang kakulangan sa mga doktor, kaya nahihirapan ang marami na magkaroon ng access sa maayos na public healthcare services.
Kaya aniya kailangan na silipin at rebisahin ang Doktor Para sa Bayan Act dahil nagkulang sa implementasyon ang programa
“Ang dami namang iba na pumasa na sabi nila, paano kami ngayon magme-medicine kaya nga kami kumukuha dito kasi nga libre na. Hindi naman kaya ng pamilya namin. Gusto namin maging doktor pero wala kaming pambayad. Ngayon biglang nabawasan to 24,” dismayadong pahayag ni Sotto.
Sinusulong naman ni ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo na paglaanan ng pondo hindi lamang ang mga public hospitals kundi pati na rin ang tamang hospital equipment.
“Problema rin kung may ospital nga, wala namang gamit. Ano pa ang silbi ng ospital kung walang gamit, dapat may follow-through. ‘Pag nagtayo ka ng ospital dapat may gamit na, ‘di ba? May mga higaan, may mga X-Ray, ECG, ultrasound. Ang problema wala,” sabi nito.
Hirit din niyang itaas sa 30% ang gastos sa ospital na sasagutin ng Philhealth at ilibre na sa hospital bills ang mga OFW at kanilang pamilya. | ulat ni Kathleen Forbes