Tinatayang may apat na Pilipino ang nananatiling nawawala matapos yanigin ng magnitude 7.7 na lindol ang Myanmar noong Marso 28, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Ito ang kinumpirma ni DFA Undersecretary for Migrant Workers Affairs Eduardo de Vega sa isang panayam sa radyo, kung saan sinabi nito na kabilang sa mga nawawala ang mag-asawang Pilipino na nakatira sa isang gusaling gumuho dahil sa lindol.
Ayon kay de Vega, ang apat na Pilipino ay mga propesyonal, kabilang ang mga guro at manggagawa sa opisina.
Patuloy naman ang pagsasagawa ng search and rescue operations ng mga awtoridad sa Myanmar habang humihingi na rin ito ng tulong mula sa ibang bansa.
Sa ngayon, mahigit 1,600 na ang kumpirmadong nasawi sa naturang trahedya.
Samantala, tiniyak ng DFA na walang Pilipinong nasaktan o nasawi sa Thailand, na nakaranas din ng malakas na pagyanig.
Patuloy naman na nakikipag-ugnayan ang gobyerno ng Pilipinas upang magbigay ng humanitarian aid sa Myanmar. | ulat ni EJ Lazaro
Photo:EPA