Isang babaeng pasahero na patungo sana sa Guangzhou, China, ang naaresto sa NAIA Terminal 3 matapos matuklasang may nakabinbing warrant of arrest laban sa kanya.
Ayon sa mga awtoridad may paglabag ang babae sang-ayon sa Bouncing Check Law.
Ani ng Bureau of Immigration (BI), natuklasan ang warrant ng akusado habang sumasailalim ito sa routine check, kaya’t agad silang nakipag-ugnayan sa Aviation Security Unit NCR-NAIA Police Station 3 (AVSEU NCR-NAIA PS3) para sa agarang aksyon.
Mabilis na tumugon ang mga awtoridad at nakipag-coordinate sa Manila Police District-Barbosa Police Station upang ipatupad ang pag-aresto. Ang akusado ay may inirekomendang piyansang P12,000 at kasalukuyang nasa kustodiya ng MPD-Barbosa Police Station para sa karagdagang legal na proseso.
Binigyang-diin ni PBGen Christopher Abecia, Director ng PNP AVSEGROUP, ang kahalagahan ng mahigpit na seguridad at inter-agency coordination upang matiyak na walang makakatakas mula sa batas. Dagdag pa niya, patuloy nilang paiigtingin ang Care Meets Action Program upang mapanatili ang kaayusan at tiwala ng publiko. | ulat ni EJ Lazaro
PNP Aviation Security Group