Tiniyak ng Land Transportation Office (LTO) na matatapos na ngayong taon ang matagal nang problema sa backlog ng mga plaka na nagsimula pa noong 2014.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, tuloy-tuloy ang koordinasyon nila sa Department of Transportation upang mas mapabilis ang pagbibigay ng mga plaka at iba pang mahahalagang serbisyo sa mga motorista.
Aniya, natapos na ng LTO ang backlog sa plaka ng mga 4-wheel vehicle, habang unti-unting tinutugunan ang backlog para sa mga motorsiklo.
Naresolba na rin ang problema sa suplay ng plastic cards para sa driver’s license at special paper para sa Official Receipt/Certificate of Registration.
Nagpasalamat naman si Mendoza kay Transportation Secretary Vince Dizon sa patuloy nitong suporta sa LTO.
Ayon kay Secretary Dizon, dapat nang tuldukan ang mga lumang problema sa LTO gamit ang makabagong teknolohiya. | ulat ni Diane Lear