Iniimbestigahan na ng Bureau of Immigration ang paggamit ng mga illegal alien ng Filipino identity upang makapagtayo at makapagbukas ng negosyo sa bansa.
Ito ang inanunsyo ni BI Commissioner Joel Anthony Viado, kasunod ng pagkakaaresto ng 5 Chinese national sa magkahiwalay na operasyon sa Mindanao dahil sa paggamit ng mga pekeng Filipino identities.
Ayon kay Viado, unang naaresto ang 50 taong gulang na chinese na si Bangdie Pan alyas “Ditdit” sa Digos City Davao del Sur dahil sa paglabag sa Philippine Immigration Laws.
Lumalabas na nakakuha ng work visa ang dayuhan sa ilalim ng isang kumpanya sa Pasig City ngunit natuklasang nangangasiwa ng isang hardware sa Davao na nakarehistro sa isang umano’y Filipino citizen.
Samantala, apat na chinese national naman ang naaresto dahil sa illegal na pagtatrabaho sa isang chemical manufacturing plant sa North Cotabato.
Lumabas sa imbestigasyon na nakarehistro sa isang Filipina ang pinapasukang kumpanya ng mga dayuhan ngunit inamin ng mga empleyado nito na pagmamay-ari ito ng isang chinese na nakabase sa Manila. | ulat ni Don King Zarate