BSP, hinimok ang mga financial institutions na palakasin ang sistema laban sa bilihan ng boto
Naglabas ng isang memorandum ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) upang himukin ang mga financial institutions na paigtingin ang kanilang monitoring laban sa vote buying sa nalalapit na halalan sa Mayo-12.
Sa ilalim ng BSP Memorandum No. M-2025-006, na nag-uutos sa mga BSP-Supervised Financial Institution (BSFI) na magpatupad ng mga hakbang upang maiwasan ang maling paggamit ng mga digital platforms tulad ng online banking at mobile wallet applications para sa bilihan ng boto.
Bukod dito, ipinag-utos ng BSP sa mga BSFI na tiyakin na ang kanilang proseso ng pagpaparehistro ng kliyente, mga sistema sa pamamahala ng pandaraya (fraud management systems), at mga setting sa pagmo-monitor ng account at transaksyon ay sapat upang pigilan ang posibleng pagdami ng mga kahina-hinalang account at transaksyon sa panahon ng eleksyon.
Nagbabala rin ang BSP sa mga ito na magbantay sa mga red flag, tulad ng biglaang pagdami ng mga bagong account sa mga lugar na kilalang may bilihan ng boto, malalaking transaksyon sa panahon ng eleksyon, hindi pangkaraniwang pattern ng transaksyon, at mataas na dami o halaga ng pera na ipinapasok o inilalabas sa mga cash-in at cash-out channels.
Ang memorandum na ito ay tugon sa panawagan ng Commission on Elections (COMELEC) sa pamamagitan ng Resolution No. 11104, na inilabas noong Enero 28, 2025, upang paigtingin ang mga mekanismo laban sa bilihan ng boto.
Nakikipagtulungan ang BSP sa COMELEC at Philippine National Police (PNP) upang labanan ang election-related vote buying o selling sa pamamagitan ng mga platapormang pampinansyal.
Maaring i-report ang kahinahinalang transaksyon sa PNP at NBI. | ulat ni Melany V. Reyes