Hinikayat ng Department of Agriculture (DA) ang swine industry na magdagdag ng 2 milyong baboy taun-taon upang maibalik ang populasyon ng baboy sa bansa sa pre-African Swine Fever (ASF) level pagsapit ng 2028.
Sa ika-31 National Hog Convention sa Pasay City, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na dahil sa ASF, bumagsak ang bilang ng baboy sa bansa mula 14 milyon na naging 8 milyon.
Upang matugunan ang pangangailangan, iginiit ng kalihim kailangang makapagprami ang industriya ng dalawang milyong baboy taun-taon sa susunod na tatlong taon.
Ayon kay Laurel, inaasahang makakatulong sa pagsisikap na ito ang posibleng paglabas ng ASF vaccine ngayong taon at ang P4-bilyong pondo sa ilalim ng panukalang Animal Industry Development and Competitiveness Act.
Iniutos din ng kalihim kay DA Undersecretary for Livestock Dante Palabrica na bumuo ng roadmap para sa muling pagsigla ng industriya.
Dagdag pa ni Sec. Laurel na nakausap na niya ang dalawang malalaking commercial hog producers na nangakong magdaragdag ng tig-kalahating milyong baboy simula sa susunod na taon. | ulat ni Diane Lear