Panibagong insidente ng banggaan ng sasakyang pandagat ang naitala ng Philippine Coast Guard.
Sa ulat ng PCG, nangyari ang collission sa pagitan ng LCT Nicia at MV Sangko Uno 66 sa karagatang sakop ng Rosario, Cavite ngayong Miyerkules.
Agad ipinag-utos ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gavan na agad magsagawa ng imbestigasyon.
Patungo sana ng Cebu ang LCT Nicia habang nagmula ng Zambales at papunta sana ng Pasay Reclamation Project ang MV Sangko Uno 66 nang mangyari ang insidente.
Wala namang naitalang nasawi at nagtamo lamang ng minor damage ang dalawang barko.
Biyaheng Maynila na ngayon ang dalawang sasakyang pandagat para makipagtulungan sa Marine Casualty Investigation ng Coast Guard. | ulat ni DK Zarate