Tinuligsa ng isang mambabatas ang plano ni dating Presidential spokesperson Harry Roque na kumuha ng asylum sa The Netherlands.
Sa isang Zoom press conference sinabi ni House Deputy Minority leader France Castro na hindi naman nahaharap sa political persecution si Roque para kumuha ito ng asylum.
Giit niya na nag kailangan gawin ni Roque at umuwi at humarap sa Quad Committee at ipaliwanag ang kaniyang kaugnayan sa POGO.
“Wala siyang karapatan na mag-seek ng asylum sa Netherlands dahil unang-una, hindi naman siya biktima ng political persecution… Ang payo ko sa kaniya ay umuwi siya dito sa Pilipinas at humarap siya sa Quad Comm. Meron siyang mga dapat ipaliwanag sa Quad Comm, tapos maraming isyung nan ais malaman ang Quad Comm kaugnay doon sa kaugnayan niya dun sa POGO. So yun ang dapat na harapon niya sa Pilipinas at hindi siya magtatago sa ibang bansa, at nanghihingi pa siya ng asylum,” ani Castro.
Matatandaan na ipina-contempt ng Quad Comm si Roque matapos bigong isumite sa komite ang mga dokumento gaya ng income tax return, deed of sale at SALN para mapatunayang wala siyang koneksyon sa POGO operations.
“Yung pending na mga issues dito sa Quad Comm kaugnay dito sa kaniyang mga pagmamay-ari. Yung mga real property na na-accumulate niya noong panahon na siya ay nasa katungkulan na nakita ng Quad Comm na mayroon kinalaman doon sa POGO. Kaya yun pa yung hanapan natin ng katotohanan,” paliwanag ni Castro.
Aaralin aniya ng MAKABAYAN bloc sa kamara ang mga legal na pamamaraan upang irekomenda sa The Netherlands na huwag pagbigyan ang hiling na asylum ni Roque.
Aniya, kung tutuusin hindi si Roque ang biktima bagkus ay mismong mga Pilipino pa ang may dapat singilin mula sa kaniya.
“Hindi naming papayagan na bigyan siya ng asylum. Pangungunahan natin yung pagharang, through the Quad Comm na harangan itong pag-seek ni Harry Roque ng asylum doon sa The Netherland… Ito ay ipo-proseso ng Quad Comm at dadaan sa proper channel. Kasi alam naman natin na pwede itong maging government to-government ang magiging channel nito. Kaya gusto natin na simulan na yun,” wika pa niya. | ulat ni Kathleen Forbes