Arestado ang isang dating security guard sa Pasay City matapos mahuli sa pagbebenta ng IMSI catcher o text blaster sa isang operasyon ng PNP-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG).
Sa pulong balitaan sa Kampo Crame, sinabi ni ACG Director Brig. Gen. Bernard Yang na nahuli ang suspek sa isang entrapment operation matapos nitong ibenta sa undercover na pulis ang naturang device sa halagang P450,000.
Ayon kay Yang, nabili ng suspek ang text blaster mula sa dati niyang amo na may koneksyon sa isang scam hub at ibinibenta niya ito sa Facebook.
Ang nasabat na IMSI catcher ay may kakayahang magpadala ng text blast sa loob ng 500-metrong radius. Maaari rin itong gamitin sa phishing scams at pagpapakalat ng maling impormasyon.
Ayon pa kay Yang, ito ang unang pagkakataong nakarekober sila ng ganitong uri ng device mula sa operasyon ng POGO.
Nagbabala naman ang PNP-ACG na posibleng marami pang ganitong kagamitan mula sa mga isinara nang POGO ang maaaring magamit sa eleksyon.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa Data Privacy Act at NTC Law. | ulat ni Diane Lear