Pinaigting ng Department of Energy (DOE) ang pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan upang mapabilis ang proseso ng pag-apruba ng energy projects sa bansa.
Layunin ng DOE na pabilisin ang pagbuo ng mga energy infrastructure sa pamamagitan ng streamlined permitting processes sa LGUs. Pinangunahan ni Undersecretary Sharon Garin ang serye ng konsultasyon upang tiyakin ang mas episyenteng regulasyon at mas madaling pagpasok ng pamumuhunan sa sektor ng enerhiya.
Isa sa mga pangunahing hakbang ng DOE ay ang paggawa ng isang standardized ordinance template para sa energy infrastructure, na unang ipapatupad sa Iloilo Province. Sa ilalim ng panukalang ito, isusulong ang mabilis at transparent na pag-apruba ng permits, kabilang ang LGU Resolutions of Support, na dapat mailabas sa loob ng itinakdang panahon. Target din ng DOE na pahintulutan ang sabay-sabay na pagproseso ng aplikasyon para sa Strategic Investments on Energy at gawing mas malinaw ang singil sa mga permit.
Bilang bahagi ng mas malawak na hakbangin, nagsagawa na rin ng konsultasyon ang DOE sa Batangas, Rizal, Ilocos Norte, at Pangasinan. Patuloy nilang pinagtitibay ang koordinasyon sa iba pang ahensya ng gobyerno upang tiyakin ang maayos at episyenteng pagpapatupad ng mga energy projects sa bansa.
Sa kasalukuyan, may tatlong renewable energy projects ang nasa Iloilo, habang may 26 pang nakatakdang itayo, kabilang ang apat na committed projects. Sa pamamagitan ng inisyatibang ito, inaasahang mapapabilis ang pagpasok ng mas maraming investments pagdating sa clean energy. | ulat ni EJ Lazaro