Muling binigyang paalala ng Department of Health (DOH) ang publiko na maging alerto at protektado laban sa rabies.
Ayon sa DOH tinatayang aabot sa bilang na 426 na kaso ng rabies ang naitala ng DOH sa nagdaang taong 2024, at lahat ng ito ay nauwi sa pagkamatay.
Dagdag pa ng ahensya, 45% ng mga kaso ay mula sa kagat o kalmot ng mga alagang hayop na hindi nabakunahan.
Kaya naman patuloy ang panawagan nito na pabakunahan ang mga alagang aso at pusa kada taon, huwag hayaang gumala sa kalsada, at turuan ang mga bata na huwag mang-harot sa mga hayop.
Paalala pa ng health department, kung makagat o makalmot ng hayop, agad na magtungo sa pinakamalapit na Animal Bite Treatment Center upang makakuha ng tamang lunas. | ulat ni EJ Lazaro