Naghain ng tax evasion case ang Department of Justice (DOJ) laban sa limang Chinese na umano’y sangkot sa iligal na pagbebenta ng sigarilyo.
Ayon sa DOJ, aabot sa ₱5.7 bilyon ang tax liabilities ng naturang mga dayuhan base sa mga nasabat na 21,000 master cases ng iligal na sigarilyo.
Inihain ang kaso sa Court of Tax Appeals dahil sa paglabag sa Section 258 o Unlawful Pursuit of Business kaugnay ng Section 236, at paglabag sa Section 263 o Unlawful Possession of Articles Subject to Excise Tax Without Payment of the Tax sa ilalim ng National Internal Revenue Code of the Philippines, na inamyendahan ng Republic Act 11346 at RA 11467.
Ayon sa DOJ, inaasahang lalabas na sa lalong madaling panahon ang warrant of arrest laban sa limang akusadong Chinese.
Nadiskubre umano ang pagkakasangkot ng naturang mga Chinese sa bentahan ng iligal na sigarilyo matapos ang isinagawang joint operation ng mga awtoridad sa anim na magkakaibang lugar sa Valenzuela at Bulacan mula Nobyembre 6 hanggang Nobyembre 7. | ulat ni DK Zarate