Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi lahat ng benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay makatatanggap ng libreng cellphone mula sa ahensya.
Layon ng programang ito na mapadali ang pagbibigay ng ayuda sa mga nangangailangan.
Sa isang pulong balitaan sa Quezon City, sinabi ni DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao natanging mga benepisyaryong nasa “level 1” o survival level o mga walang kakayahang bumili o walang sariling cellphone ang makakatanggap ng mga unit.
Samantala, ang mga kabilang sa level 2 at 3 ay hindi kasali sa pamamahagi.
Paglilinaw din ni Dumlao na walang inilabas na pera ang DSWD para sa mga cellphone, dahil ito ay donasyon mula sa kumpanyang GLOBE. May naka-install na GCash application sa mga unit upang gawing mas mabilis at direkta ang pagtanggap ng cash payout ng mga benepisyaryo.
Matatandaang nagsimula na ang pamamahagi ng mga cellphone sa mga piling benepisyaryo sa Navotas at Malabon. | ulat ni Diane Lear