Mahigpit na tinututukan ng pamahalaan ang mga hakbang na magpapa-igting sa early childhood development ng mga Pilipino, upang mai-angat ang pangkabuuang antas ng edukasyon sa Pilipinas.
Ito ayon kay Communications Usec Claire Castro ang dahilan kung bakit hindi rin nababahala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa nag-trending na sagot ng isang 20-year old na contestant sa isang noontime show na hindi siya maalam sa mandato ng COMELEC.
“Hindi po nababahala ang ating Pangulo dahil sa atin po, sa panahon po ngayon, lahat po ng paraan ay ginagawa po natin para maiangat po ang lebel ng ating edukasyon.” —Usec Claire.
Sa press briefing sa Malacañang, nilinaw ng opisyal na ang kakulangan sa kaalaman ng isang tao ay hindi sumasalamin sa kabuuang estado ng edukasyon sa bansa, maging kung mayroong kakulangan sa ginagawa ng gobyerno upang mai-angat ang lebel ng edukasyon ng Pilipinas.
“Sa ating pagkakatingin dito, siguro ang pagkukulang ng isang tao ay hindi naman ito agad-agad magri-reflect ng kakulangan ng ginagawa ng pamahalaan para maiangat ang lebel ng ating edukasyon.” —Usec Claire.
Kung may hindi aniya alam ang isang indibiwal, maaari naman niyang i-level up ang kaniyang sarili, lalo’t nariyan aniya ang internet.
“Kung may pagkakamali or pagkukulang ang isa ay maaari naman niyang i-level up iyong kaniyang sarili lalung-lalo na marami na po tayong mapag-aaralan through internet, using Google search… Pero kung anuman po ang maitutulong pa rin ng pamahalaan para iangat pa rin ang lebel ng edukasyon ay gagawin pa rin po natin iyan.” —Usec Claire.
Ang gobyerno, nakasuporta, at magpapaaabot ng anomang tulong, upang mapataas ang kamalayan at kaalam ng mga Pilipinong magaaral.
“Ang isa rito ay ang ating binanggit kanina na dahil malamang ang isa mga dahilan kung bakit mayroon tayong record na medyo mahina sa Math at sa reading comprehension kaya ang suggestion dito sa EDCOM 2 ay maiangat muna natin iyong foundational years ng mga bata. Kaya naglaan na ng pondo ang Pangulo para magkaroon na ng centers para sa mga kabataan lalo na sa foundational years. Kaya iyan iyong pinaglalaanan ngayon ng pondo ng Pangulo.” —Usec Castro. | ulat ni Racquel Bayan