Ipinaalala ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ang pag-isipan ang pakikibahagi sa zero remmitance week.
Sa isang pahayag sa official Facebook page ni Enrile, sinabi nito na maaaring magdulot ng masamang epekto sa mga OFW ang planong tigil remittance, at pinaalalahanan ang mga ito na pag-isipang mabuti ang ganitong hakbang.

Ayon kay Enrile, kung susunod ang ilang OFWs sa nasabing gawain, posibleng bawiin ng Kongreso ang mga pribilehiyong ibinibigay sa kanila. Kabilang dito ang income tax exemption sa kita sa ibang bansa, exemption sa travel at airport fees, pati na ang hindi kinakailangang pag-file ng income tax returns. Dagdag pa rito, binigyang-diin ni Enrile na ang mga benepisyong ito ay ipinagkaloob ng Kongreso sa pamamagitan ng batas.
Sa huli, nanawagan si Enrile sa mga OFW na maging maingat at suriin nang mabuti ang anumang payo na maaaring makasama sa kanila sa kalaunan. | ulat na EJ Lazaro